Aloha
ni: Giogracias de rosario
MANIWALA KA sa kadalubhasaan ni Rudyard Kipling! Hindi ako naniniwala sa kasabihan niyang:
“Ang Silangan ay Silangan
Ang Kanluran ay Kanluran;
Magkapatid silang kambal,
Magkalayo habang buhay.”
Ayaw kong ipahalata sa kausap ko ang malaking pagkamangha sa pagpapasinungaling niya sa sumulat ng “The Ballad of East and West.” Noon ay magkaibayo kami sa isang mesa saveranda ng Waikiki Tavern sa Honolulu at nakikipagpaalam sa “paglubog ng araw” sa bantog na pasigan ng Waikiki. Tig-isa kaming tasa ng mainit na kapeng Haba na isinasalit namin ang paghigop sa pagtanaw sa malalapad na dalig sa ibabaw ng malalaking alon.
Ang tanawing ito’y pangkaraniwan sa pasigan ng Waikiki, kung laki ang dagat at nagngangalit ang alon. Isang sport ito ng mga taga-Haway na sariling-sarili lamang nila. Bawat isa ay may mga dalig na tatlong dipa ang haba at kalahating dipa ang lapad na taluhaba ang hugis. Sa ibabaw ng mga dalig na itong sumasalunga sa ibabaw ng alon ay doon sila tumitindig na nakadipa ang dalawang kamay at kung minsan nama’y itinutukod ang kanilang ulo na unat na unat ang katawan na ang dalawang paa naman ang tuwid na tuwid na tila itinuturo sa langit. Ang “pangangabayong ito sa alon ng mga taga-Haway” ang ipinagmamalaki sa akin ni Dan Merton, Amerikanong mamamahayag sa Honolulu noong ako’y maparaan doon.
Iyan ang dahilan kaya’t noong hapong yaon ay magkaharap kami sa veranda ng Waikiki Tavern. Palibhasa’y nagtapos sa Unibersidad ng Southern California sa Los Angeles, at lipi ng isang angkang milyonaryo sa Hollywood, si Merton ay isang tunay nagentleman na wala kang sukat ipintas sa pakikihrap kanino man.
Nalalaman ni Dan Merton ang sakit ng kanyang mga kalahi, at hindi lamang ng mga Amerikanong katulad niya, kundi lahat ng kakulay nila ... ng lahat ng puti.
“Ako ay may ibang paniwala, kaibigan,” ang sabi niya sa akin bago nabuksan ang kay Rudyard Kipling. “Ang palagay ng mga taga-Kanluran ay binigyan sila ng maputing balat ng katalagahan upang maging Kayumangging sumilang sa Kasilanganan. Ang kasaysayan ng sangkatauhan ay aking pinag-aralan. Ngunit kailanman ay hind nabanggit sa mga aklat kong napagaralan ang mga tagumpay sa panitikan ng isang Rabindranath Tagore at ng mga tagumpay sa karunungan ng mga dalubhasang Hapones na kinukusa nilang itago. Balang araw ay naasahan kong isa namang Pilipino ang maririnig nating magwawagi kung di sa pulitika ay sa kabuhayang pandaigdig. Makikita mo kaibigan!”
Kinakailangan kong tumungga ng kape at sundan ng hitit ng sigarilyo upang huwag mahalata ni Merton na ako’y pinanunuyuan ng laway nang mabanggit niya ang ukol sa aking kalahi.Diyata’t may isang Amerikano pang gaya nito na umaasang balang araw ay may isang Pilipinong magkakaroon ng isang katangiang pandaigdig? Diyata?
Pasasalamatan ko sana si Merton sa kanyang mabuting hangad sa aking kalahi, datapuwa’tdoon nga nga nabanggit ang “pagkaligaw” ni Rudyard Kipling sa pagkasulat ng kanyang kasabihang ngayo’y palasak na sa buong daigdig.
“Kung ang langit at lupa’y maaaring paglapitin,” ang giit niya sa akin nang mahulaan niyang ako’y may pag-aalinlangan sa kanyang sinabi, “ay ang Kanluran at Silangan pa kaya?”
Sasabihin ko sanang ako’y naniniwala na sa kanyang palagay, ako ay naakit na niya laban sa :kasinungalingan ni Kipling” at nahuhulaan ko na ang kanyang ibig sabihin, datapuwa’t siya na rin ang nagdugtong. “Hala, ubusin mo na ang iyong kape. Tayo na sa bahay. At ang asawa ko ang magsasabi sa iyong “ligaw” si Kipling.”
NANG MAGTAPOS si Dan Merton sa Unibersidad ng South California, ang naging gantimpala sa kanya ng kanyang ama ay isang pagliliwaliw sa “Paraiso ng Pasipiko”– ang Haway. Bagong labas sa kolehiyo, may pangalan at tanyagpalibhasa’y kapitan ng mapagwaging koponan sa football ng kanilang paaralan; anak ng milyonaryo sa Hollywood at sadya namang magandang lalaki, si Merton ay naging “idolo” ng mga sakaysa Malolo, nang minsang tumulak ito buhat sa Los Angeles hanggang Honolulu.
Halos ay sundan siya sa kanyang kamaroteng mga kasama niyang mga debutantesa bapor. Hindi lamang dalawang dosenang “aklat ng mga lagda” ang napaglagyan ng kanyang pangalan at lilimampung pamaypay ng mga pasahera ang kanyang nasulatan. Minsang ipininid niya ang pinto ng kanyang kamarote, ang maluwang na laylayan ng isang paa ng “pajama” ng huling humingi sa kanya ng lagda ay naipit pa.
“O, ang mga babaing ito!” ang nasabi na lamang niya, “bakit kaya ayaw akong patahimikin?”Sa agahan, hindi pa siya nakatatapos ay may kumakasundona sa kanya upang maging kalaro ng deck sports. Sa tanghali, hindi pa siya nakapaghihimagas, ay may lumalapit na sa kanya upang siya’y makalaro, kung di ng bridge ay kahit na mahjong. At sa gabi, anim-anim na may sulat na menu ng mga dalaga ang dinaratnan niya sa kanyang mesa at nagsasabing ibig nilang maging kapareha nila siya sa sayawan sa kubyerta.
Kung nag-iisa na si Merton sa kanyang silid, ang gayong tila paghanga sa kanya ng karamihan ay nagiging paksa ng kanyang dilidili. Akala niya’y sa isang Rudolph Valentino o isang Ramon Navarro lamang maaaring “masira” ang mga dalaga. “Hindi pala’t sa isang bagong labas sa kolehiyong gaya ko ay mayroon ding maaaring mahalin